Patuloy na sinusuri ng Food and Drugs Administration o FDA ang content ng durian at mangosteen-flavored candy na sanhi ng pagkalason ng halos 2,000 katao na karamiha’y estudyante sa Caraga Region.
Ayon kay Health Undersecretary for Regulation, Dr. Kenneth Hartigan-Go, inaalam na nila kung manufactured sa bansa o smuggled ang mga candy.
“Meron silang ginagawang pagsusuri para ma-pin point kung ano talaga ang kemikal na cause ng poisoning po, hinihintay ko, sinusubaybayan po naming lahat.” Ani Go.
Gayunman, aminado si Go na may posibilidad na na-kontamina ng bacteria tulad ng e-coli o salmonella ang mga candy.
“But, usually these bacteria are the ones causing food poisoning, that one is a possibility. There are many kinds of bacteria, hopefully matukoy natin kung ano yung cause.” Pahayag ni Go.
Mabuti naman aniya na sa kabila ng napakaraming mga biktima ay walang namatay at pawang mga outpatient lamang ang karamihan sa mga ito.
Maging mapanuri
Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng pagkain.
Kasunod ito ng nangyaring pagkalason ng mga libu-libong mga estudyante ng Caraga region dahil sa pagkain ng kontaminadong kendi.
Ayon kay DOH Undersecretary Kenneth Hartigan-Go, bumili lamang sa mga mapagkakatiwalaang at lisensyadong mga tindahan.
Mahalagang makita ang mga expiry date ng produkto gayundin ang pangalan at address ng manufacturer
“Yung mga products na ibinibigay na palibre, ingat din tayo dito dahil sometimes kung walang mga marka hindi natin alam kung ano ang sources niyan.” Dagdag ni Go.
By Drew Nacino | Rianne Briones | Ratsada Balita