Ipinauubaya na ng Malacanang sa susunod na administrasyon ang magiging aksiyon sa anumang magiging desisyon o resulta ng arbitration panel ng United Nations Tribunal sa reklamong inihain ng Pilipinas kaugnay sa inaangking teritoryo ng China sa West Philippine sea.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, maaabutan na ng administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte ang isyu dahil inaasahang maglalabas ng desisyon ang arbitration panel sa loob ng dalawang linggo.
Anuman aniya ang maging desisyon sa pinag-aagawang mga teritoryo ay mahalagang sundin ang prinsipyo na ang Pilipinas ay sumusunod sa batas.
Nauna rito ay nanawagan ang Estados Unidos sa mga stakeholders o mga claimants na iwasan magkaroon ng tensiyon sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Binigyang-diin ni Coloma na ang nais lamang ng Pilipinas ay umiral ang freedom of navigation o kalayaang makapaglayag sa bahagi ng West Philippine Sea gayundin ang freedom of over flight para magtuluy-tuloy ang daloy ng pandaigdigang komersyo at pangangalakal.
By Aileen Taliping (Patrol 23)