Muling binanatan ni Vice President Leni Robredo ang mga kaso ng pang-aabuso sa ilalim ng war on drugs ng gobyerno.
Kasunod ito ng isang video message na ipinadala ni Robredo para sa 60th Annual Meeting ng UN Commission on Narcotic Drugs sa Vienna, Austria na ipalalabas ngayong araw.
Partikular na tinukoy ni Robredo ang sistemang ‘palit ulo’ kung saan, ang mga kamag-anak ng mga nasa drug watchlist ang inaaresto ng mga pulis kapag hindi nahanap ang mismong tao na nasa listahan.
Mula aniya noong Hulyo 1 kung kailan nagsimula ang administrasyong Duterte, pumapalo na sa mahigit pitong libo (7,000) ang mga napapatay nang walang kalaban-laban.
Binira rin ni Robredo sa nasabing video ang mga aniya’y paiba-ibang pahayag at ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kung ilan na ang mga nasasangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Kasunod nito, nagpasalamat din si Robredo sa United Nations sa pagtalakay nito sa mga extrajudicial killings at pagbabantay sa Pilipinas sa kabila ng mga hindi magagandang pangyayari.
Unang nailathala ang naturang video sa time.com kahapon ngunit kinuha anila ang video ng Pangalawang Pangulo noon pang Pebrero.
By Jaymark Dagala