Pumalag si Liberal Party member at Ifugao Representative Teddy Baguilat sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga dilawan o LP ang siyang nasa likod umano ng mga tangkang pagpapatalsik sa kaniya sa puwesto.
Ayon kay Baguilat, naninindigan ang Liberal Party sa demokratikong proseso sa kabila ng patuloy nilang paglaban sa ilang maling polisiya ng administrasyon na aniya’y gumagamit ng Marcosian tactic.
Giit pa ng mambabatas, tinutularan ng Pangulo si dating Pangulong Ferdinand Marcos para takutin ang mga nasa oposisyon at itanim sa isipan ng publiko na palaging may balak na masama ang mga kumakalaban sa pamahalaan.
Pinalalabas din aniya ng Pangulo na laging may banta na pabagsakin ang pamahalaan para mailihis ang atensyon ng tao sa palpak na ‘war on drugs’, digmaan sa Marawi City at walang patid na katiwalian.