Umaasa ang Palasyo na sasang-ayunan ng Kongreso, partikular na ng senado ang final Tax Reform Bill na isinusulong ng Duterte administration.
Sa isinagawang briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, na sana’y makita ng mga mambabatas ang mga hindi mabuting maidudulot sa mga posibleng maling desisyon na kanilang gagawin.
Aniya, kung hindi ma-aaprubahan ang reporma sa pagbubuwis, maaring tumaas ang utang ng bansa sa labas.
Ito ay para umano masuportahan ang mga programang pang-ekonomiya at posibleng mag-resulta din ito ng pagbaba ng investment grade rating ng bansa.
Giit ni Abella, malaking tulong para sa bansa kung mapagtitibay ng senado ang naturang panukala dahil matutugunan nito ang mga kinakailangang pondo para sa mga proyekto ni Pangulong Rodrigo Duterte na direktang pakikinabangan ng mga ordinaryong Pilipino.