Kinontra ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na permanente na ang ipinatutupad na deployment ban ng mga Filipinong manggagawa sa Kuwait.
Ayon kay Bello, posibleng na-out of context lang aniya ang pahayag ng Pangulo.
Paliwanag ng kalihim, sa simula pa lamang ay sinasabi na ni Pangulong Duterte na mananatili ang deployment ban hangga’t hindi pa ganap na nalalagdaan ng dalawang banasa ang memorandum of agreement hinggil sa kapakanan ng mga OFW sa Kuwait.
Gayunman, sinabi ni Bello na kanya pa ring lilinawin kay Pangulong Duterte ang nasabing usapin.
Samantala, ipinahayag naman ang Deputy Foreign Minister ng Kuwait na nakahanda silang makipagtulungan sa Pilipinas para maresolba ang kinakaharap na usapin hinggil sa mga Filipinong manggagawa sa kanilang bansa.
Naniniwala rin ito na kayang malagpasan ng dalawang bansa ang mga kinahaharap na usapin lalo’t matagal na ang pagkakaibigan ng Kuwait at Pilipinas.