Wala nang interes si Pangulong Rodrigo Duterte na makipag-usap pa kay Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria Sison.
Ayon sa Pangulo, wala na siyang oras na makipagnegosasyon sa komunistang grupo lalot binantaan na aniya siya ni Sison na hindi magtatagal ng tatlong taon sa puwesto.
Matatandaang sinabi nuon ni Sison na mas mainam na pagtuunan na lang nila ng pansin ang pagpapatalsik kay Pangulong Duterte at paghandaan na lamang ang peacetalks sa susunod na administrasyon.
Sa kabila nito, iginiit ng Pangulo na hindi siya nababahala sa bantang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto ng komunistang grupo.
Samantala, inihayag ng Pangulo na wala siyang anumang kasunduang nilalagdaan na may kaugnayan sa usapang pangkapayapaan.
Nadiskubre ng Pangulo na mauuwi sa power sharing at coalition government ang nais ng komunistang grupo na hindi aniya niya mapahihintulutan.