Binalikan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansang Iceland matapos maglunsad ito ng signature campaign laban sa kaniya kaugnay sa umano’y extra judicial killings (EJK) sa bansa.
Sa kaniyang talumpati sa 32 anibersaryo ng comprehensive agrarian reform, binatikos ng Pangulo ang Iceland kaugnay sa isyu ng abortion.
Ayon sa Pangulo masyadong nagmamalinis ang Iceland ngunit pinapayagan naman nito ang abortion kahit pa 6 na buwan na ang sanggol sa sinapupunan ng ina.
Giit ng Pangulo mas binibigyan pa ng Iceland ng pansin ang kampanya ng gobyerno ng Pilipinas ukol sa iligal na droga ngunit pinahihintulutan naman nilang pumatay ng fetus.
Tinawag pang walang hiya ni Pangulong Duterte ang Iceland na tinuturuan pa umano siya ng dapat gawin gayong ang problema sa kanilang bansa ay hindi maiayos-ayos.