Inuulan ng batikos sa social media si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang murahin ni Duterte sa kanyang speech kahapon si Pope Francis dahil umano naipit siya ng limang oras sa traffic nang bumisita ang Santo Papa sa Pilipinas, noong Enero.
Bagaman para kay Duterte sa kanyang mga supporter ay biro lamang ang pagmumura, hindi naman ito nagustuhan ng mga netizen maging ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Sa twitter account ni Lacierda, inihayag nitong maaaring murahin ng alkalde ang lahat ng pulitiko huwag lamang si Pope Francis habang ganito rin ang sentimyento ng ilan pang twitter user.
Hindi rin nagustuhan ng Simbahang Katolika ang ginawa ng nasabing presidential aspirant.
Sinabi sa DWIZ ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na masyadong mataas ang tingin ni Duterte sa kanyang sarili.
“Masyado po akong nalungkot, hindi ko po alam na ganun pala ang kanyang pananaw, pag-iisip at kalooban, wala sa lugar, mukha pong panahon pa dapat yun ng barbarismo, hindi sa panahong ito, wala pong iginagalang eh, parang siya lang ang magaling sa buong mundo, lahat na lang ay walang kuwenta at siya ang bida, mukhang meron pong kamalian sa kanyang kalooban at kaisipan.” Pahayag ni Cruz.
By Drew Nacino | Ratsada Balita