Biniro ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Bong Go sa tila ambisyon nito na maging presidente ng Pilipinas.
Sa ginanap na mas oath taking ng mga bagong appointees sa Malacañang, tila nilaglag ng pangulo si Go matapos nitong sabihing napapadalas sa mga insidente ng sunog si Go.
Ayon sa pangulo, lahat ng mga nangyaring sunog ay agad dumarating ang senador.
Kung minsan pa aniya yata wala pang sunog ay nandoon na umano si Go o di kaya’y nauuna pa sa bumbero.
Biro pa ng pangulo na dapat ay limitahan ng senador ang pagpunta sa mga sunog dahil baka aniya isipin ng mga tao na siya ang responsable dito.
Halata din umano masyado ang kagustuhan nitong tumakbo sa pagkapangulo dahil sa laging present sa mga sunog.
Bong Go itinangging may balak tumakbong pangulo ng bansa
Mariing itinanggi ni Senador Bong Go na siya ay may balak na tumakbong pangulo ng bansa.
Ito’y matapos ang naging biro ni Pangulong Rodrigo Duterte sa senador sa tila umano’y kaniyang ambisyon.
Ayon kay Senador Bong Go, kilala ng publiko ang pangulo bilang mapagbiro kaya wala aniyang katotohanan ang birong iyon.
Paliwanag ni Go, kaya lamang siya tumutulong sa mga nasunugan ay para ibalik lamang ang serbisyong dapat na tinatamasa ng publiko matapos siyang mahalal bilang senador at mabigyan aniya ng pagkakataong makapaglingkod.
Tumanggi naman ang senador na mapag-usapan pa ang pulitika ngunit ipinabatid nitong handa siyang maging volunteer bilang campaign manager sa 2022 elections ng kung sinuman ang makapagpapatuloy ng mga sinimulang pagbabago ni Pangulong Duterte.