Binuweltahan ng ilang obispo ng Simbahang Katolika si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pagtawag ng Pangulo sa Panginoong Diyos bilang “stupid” sa kanyang naging talumpati sa Davao City noong Biyernes.
Ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, hindi na mas nagiging katanggap-tanggap sa mga normal at matitinong tao ang mga ikinikilos at inihahayag ni Pangulong Duterte.
Dagdag ni Bastes, kinakailangan na ng masigasig na pagdarasal para matigil na ang paglapastangan sa Diyos at patungo na sa diktaturyang gawi ng aniya’y wala na sa katinuang Pangulo.
Sinabi naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos na sumusobra na ang Pangulo sa mga ginagawa nito.
Iginiit naman ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na hindi stupido ang Panginoon.
Aniya, ang Diyos ang pinakamakapangyarihan, pinakamaalam at pinakamapagmahal sa lahat ng nilalang sa mundo.
Samantala, nanawagan naman si Caloocan Bishop Pablo Virgilio sa lahat ng religous scholar na pagbutihin pa ang pagtuturo ng bibliya at aral ng Panginoon sa mga kabataan.
—-