Hindi umano kailangan humingi ng tawad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pansamantalang pagkawala ng trabaho ng ilang mga empleyadong naapektuhan ng pagpapatigil sa lahat gaming operation ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, matapos payagan ng pangulo ng ibalik na ang operasyon ng lotto.
Ayon kay Panelo, dapat ay maging masaya na lamang ang mga manggagawa sa ilalim ng lotto operations dahil napatunayan na walang korupsyon sa kanilang hanay.
Ito rin aniya ay katunayan na umuusad ang imbestigasyon sa PCSO.
Magugunitang ipinatigil ng pangulo ang lahat ng gaming operations ng PCSO dahil sa umano’y korupsyon, ngunit makalipas ang apat na araw ay pinayagan na ang lotto na magbalik operasyon habang ang ibang gaming schemes gaya ng STL at keno ay suspindido pa rin.