Premature na makipag-usap sa Pangulong Rodrigo Duterte ang pinuno ng PhilHealth kaugnay sa umano’y korupsyon na ipinupukol ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi ni PhilHealth President at CEO Ricardo Morales na hindi pa napapanahong kausapin ang pangulo kung wala pa namang resolusyon sa problema.
Iginiit pa ni Morales na walang large scale corruption sa PhilHealth bagamat mayroon lamang inefficiencies sa sistema tulad ng maling pasok ng dokumento sa pagclaim ng health insurance, subalit walang sindikato sa tanggapan.
Itinanggi pa ni Morales ang alegasyon na may nawawalang P154-bilyong pondo sa PhilHealth mula 2013 hanggang 2017 at hindi ito mapangatuwiranan ng Commission on Audit (COA).
Una nang ibinunyag ni Roque na P1-bilyon ang nawawala sa PhilHealth dahil sa ghost dialysis sa mga patay na pasyente.
Samantala, tiniyak ni Morales na sapat ang pondo ng PhilHealth sa taong ito.
Ayon kay Morales, wala namang dapat ikabahala ang publiko dahil tatagal ang pondo ng PhilHealth hanggang sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Siniguro pa ni Morales na iingatan niya ang pondo ng ahensya kung saan may P130-bilyon ang reserba ng PhilHealth ngayong taon at P40-bilyon ang nakalaan para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).