Nasa sa South Korea na si Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations–Republic of Korea (ASEAN-ROK) commemorative summit.
Bago mag 1 a.m. ngayong araw, Nobyembre 25, lumapag sa Gimhae Air Base sa Busan ang eroplanong sinakyan ng pangulo.
Sinalubong si Pangulong Duterte nina Philippine Ambassador to the Republic of Korea Noe Wong, Chief Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs Robert Eric Borje, Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-Man, at iba pang opisyal ng South Korea.
Batay sa schedule ng aktibidad ni Pangulong Duterte, ngayong araw nakatakda ang kanyang bilateral meeting kasama si South Korean President Moon Jae-In.
Inaasahang malalagdaan din nina Pangulong Duterte at Moon ang ilang mga kasunduang may kinalaman sa edukasyon, free trade, at pangingisda.
Bukas, nakatakda namang daluhan nina Pangulong Duterte, President Moon, at ng iba pang ASEAN leaders ang dalawang plenary session na bahagi ng main activity ng summit.
Kabilang sa mga tatalakayin ng mga state leader ang mga usaping may kaugnayan sa connectivity at pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng ASEAN at South Korea.
Magkakaroon din ng lunch retreat ang mga state leaders kung saan pag-uusapan naman ng ilang regional at global issues kabilang ang denuclearization ng North Korea.