Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na bumaba sa puwesto kung magagawang mapatigil ng abogadong si Ely Pamatong ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa sa loob ng tatlong araw.
Ito ang inihayag mismo ni Pangulong Duterte matapos umanong ipakalat ni Pamatong ang balitang isinugod siya sa ospital makaraang atakehin sa puso dahil sa COVID-19.
Ayon kay Pangulong Duterte, nakahanda siyang kausapin si Pamatong kung dadalawin siya nito sa Malakanyang at kakausapin hinggil sa naiisip nitong paraan para maresolba ang problema sa COVID-19.
Sakali aniyang mapatunayan ni Pamatong na tama at magiging epektibo ang kanyang solusyon, agad aniyang sasabihin sa militar na bababa na siya sa puwesto at papalitan na siya ng nabanggit na abogado.
Kasabay nito muling iginiit ng pangulo na nakahanda siyang magbitiw sa puwesto oras na mapatunayang hindi na nasisiyahan at nagdudusa na ang mga Pilipino sa kanyang pamumuno.