Si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang dapat gumawa ng unang hakbang upang maging magkaibigan muli sila ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon mismo ito kay Duterte na nagsabi ring hindi na kailangang mag-sorry sa kanya ng pambato ng Liberal Party (LP).
Sinabi pa ni Duterte na hindi na kailangan ang kung anu-ano pang mga sampalan o suntukan basta’t bumati lamang at dapat na si Roxas ang mauna dahil ito naman aniya ang nagsimula ng kanilang salitaan.
Nagkonsulta na aniya siya sa kanyang doktor na nagsabing huwag siyang makipagsuntukan dahil may mumps ang alkalde at posibleng tamaan ito.
Sa halip, ipinabatid ni Duterte na magpapadala na lamang siya ng pari kay Roxas para magbigay ng lecture kung paano mag-behave sa publiko.
At sa naunang hamong barilan, inihayag ni Duterte na hindi niya hahamunin ng barilan si Roxas dahil hindi marunong humawak ng baril si Roxas.
By Judith Larino