Dumagundong ng hiyawan mula sa mga Pilipinong nasa grand Hilton Hotel sa South Korea matapos halikan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labi ang isang Pinay worker doon.
Inimbitahan ng Pangulo ang dalawang babae sa entablado para bigyan ng kopya ng aklat na Altar of Secrets o ang librong nagsasalaysay sa mga pang-aabuso umano ng mga paring Katoliko.
Unang nakipagbeso ang isang babae habang ang isa naman ay sumang-ayon na halikan sa labi ang Pangulo sa kabila ng pagkakaroon nito ng nobyo na nasa Pilipinas.
Pero bago iyan, nagpaalam muna ang Pangulo kung papayag ba ito para sa isang friendly kiss, bagay na hindi naman tinanggihan ng babae.
Samantala, umani naman ng iba’t ibang reaksyon ang ginawang paghalik ng Pangulo sa Pilipina.
Ayon sa ilang kritiko ng Pangulo sa social media, “very unpresidential” ang ginawa ng Pangulo at offensive o pambabastos at kawalan ng respeto sa babae.
Mayroon din namang nagtanggol sa Pangulo na nagsabing huwag masyadong seryosohin ito dahil nais lamang ng Pangulo na pasayahin ang mga OFW sa South Korea.