Hindi dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa 27th World Economic Forum (WEF) on ASEAN na gaganapin sa Hanoi, Vietnam simula ngayong araw hanggang Setyembre 13, Huwebes.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, nakatakda siyang umalis ngayong araw para kumatawan kay Pangulong Duterte sa nabanggit na economic forum.
Wala namang tinukoy na dahilan si Lopez kung bakit hindi na makadadalo ang pangulo sa WEF on Asean.
Magugunitang Agosto 8, inanusyo ng WEF ang pagdalo ng walong Southeast Asian heads of state kabilang si Pangulong Duterte, Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad, Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong, Indonesian President Joko Widodo at Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi.
—-