Hindi pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsilip ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng pondo ng rehabilitasyon ng Marawi City sa pilgrimage ng ilang naapektuhang residente sa Mecca sa Saudi Arabia.
Ito’y matapos ipabalik ng COA sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) ang P5-M na ginamit sa Hajj ng mga nabiktima ng bakbakan sa Marawi City.
Ayon sa pangulo, sana ay ikunsidera na lamang ito ng COA bilang pagtulong sa mga biktimang Muslim para makapag-Hajj.
Binalaan din ng punong ehekutibo ang COA na huwag gipitin si Task Force Marawi head Sec. Eduardo Del Rosario at magkakaroon aniya ng panibagong giyera sa oras na makulong ang opisyal.
Una rito, sinabi Del Rosario na ang P5-M na nagmula sa National Commission on Muslim Filipinos ay bahagi ng “social healing process” para sa pagbangon ng Marawi City.