Nilinaw ng Malakañang na hindi naman pinagbawalan ng doktor si Pangulong Rodrigo Duterte na sumakay ng motorsiklo.
Kasunod ito ng lumabas na larawan kung saan makikita na nakasakay ang pangulo sa isang motorsiklo na tatlo ang gulong.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, siguradong hindi na se-semplang muli ang pangulo sa bagong motorsiklo na kanyang gamit.
Aniya, nuong huli silang nag usap ng pangulo ay sinabi nitong umiinom siya ng painkiller para sa kanyang muscular spasm.
Sa ngayon ay nagpapahinga na aniya ang pangulo sa tahanan nito sa Davao City.
Matatandaang napaaga ang uwi ng pangulo mula sa kanyang biyahe sa Japan dahil sa matinding sakit na nararamdaman nito sa kanyang likod matapos na maaksidente sa motorsiklo kamakailan.
Sinabi din ng Malakañang na hindi kinakailangan na maglabas ng medical bulletin sa kaugnay sa kalagayan ng kalusugan ng pangulo dahil ginagawa lamang ito kapag seryoso ang kalagayan ng punong ehekutibo.