Kumbinsido ang isang kilalang political analyst na hindi seryoso si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa hamon nito kay administration bet Mar Roxas.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Professor Ramon Casiple na marahil ay nais lamang ipakita ni Duterte kung paano mag-handle ng stress si Roxas.
Ang pahayag ay ginawa ni Casiple sa gitna na rin nang umiinit na word war sa pagitan ng dalawang presidential aspirant.
“Unang-una alam naman natin na bawal ang barilan, may batas yan eh, kaya alam mong hindi seryoso si Mayor Duterte diyan, sa tingin ko sinabi niya ata ito sa isang interview na gusto niyang ipakita kung paano mag-handle si Mar Roxas ng stress, kasi sa akusasyon niya na sa panahon ng Yolanda ay nagkalat yung isa, eh ngayon ang sinasabi ngayon nitong Mayor Duterte ay katotohanan, pero ako tingin ko beyond that may usapin diyan na nagkaka-personalan, mukhang nagkakainitan na, wala pa yung simula ng kampanya.” Pahayag ni Casiple.
Roxas
Talong-talo si presidentiable Mar Roxas sa kanyang ginawang pagpatol kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Professor Mon Casiple, isang political analyst, makikita ito sa pinahuling lumabas na survey kung saan nanguna si Duterte habang pang-apat naman si Roxas.
Naging mali din aniya ang istratehiya ng kampo ni Roxas sa kanilang pagkwestyon sa peace and order ng Davao City dahil sa huli ay negatibo pa rin ang epekto nito sa kanya.
Survey result
Samantala, marami pang pwedeng mangyari sa resulta ng mga survey habang papalapit ang 2016 elections
Ito ay kahit pa nangunguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS.
Idinagdag ni Casiple ito ay dahil malaki ang magiging papel ng magiging ruling ng COMELEC at Korte Suprema sa mga disqualification case laban kina Duterte at Senator Grace Poe.
“Balewala ang survey ngayon, ang tunay na survey na bantayan natin mga bandang Abril, kasi yun na yung desisyon ng mga tao.” Dagdag ni Casiple.
By Meann Tanbio | Rianne Briones | Balitang Todong Lakas