Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang India na tapusin na ang isinasagawang negosasyon para sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, ginawa ni Pangulong Duterte ang panawagan kay Indian Prime Minister Narenda Modi sa ginanap na 16th ASEAN-India summit sa Bangkok, Thailand.
Aniya, iginiit ni Pangulong Duterte kay Modi na tanging ang RCEP lamang ang magiging sagot sa layunin ng Pilipinas at India na mapababa ang antas ng kahirapan at inequality gayundin ang pagbawas sa development gap.
Magugunitang 2012 pa nang inilunsad ang RCEP na layung makabuo ng Free Trade Agreement sa pagitan ng sampung(10) bansang miyembro ng ASEAN at anim(6) na Dialogue Partners na kinabibilangan ng Australia, China, India, Japan, New Zealand, at South Korea.
Gayunman, ilang taong nang naantala ang implementasyon ng RCEP dahil sa pag-aalinlangan ng india na paluwagin o bawasan ang kanilang mga restrictions sa kalakalan.