Nakiisa na rin ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng gobyerno na nag-donate ng kanilang sweldo upang maging tulong sa mga programa laban sa paglaganap ng coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, ido-donate ni Pangulong Duterte ang kanyang isang buwang sahod bilang pakikiisa na rin sa mga hakbang ng mismong mga government officials.
Sinabi rin ni Panelo na ido-donate din niya ang 75% ng kanyang buwanang sahod mula Abril hanggang Disyembre.
Kasunod nito, magdo-donate na rin aniya ang mga assistant secretaries na nakatalaga sa Office of the Chief Presidential Legal Counsel at Presidential spokesman ng 10% ng kanilang sahod ngayong buwan sa Office of the Civil Defense (OCD).
Samantala, nasa P400,000 ang buwanang sweldo ng pangulo habang nasa P260,000 ang sa cabinet secretary.