Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsisimula sa proseso para sa pagpapabasura sa Visiting Forces Agreement (US-VFA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, pinatawagan na ni Pangulong Duterte si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Defense Secretary Delfin Lorenzana at Presidential Adviser on National Security Hermogenes Esperon.
Ito, aniya ay upang i-convene ang VFA commission kung saan si Locsin ang Chairman at si Lorenzana ang Vice Chairman.
Sinabi ni Panelo, patungo nang Amerika si Locsin upang personal na ipaabot sa gobyerno ng Estados Unidos ang pasiya ng Pangulo.
Iginiit naman ni Panelo, nais ni Pangulong Duterte ang agarang pagsisimula sa proseso para sa termination ng VFA matapos na hindi magustuhan ng punong ehekutibo ang tila pambabastos at pakikialam ng Estados Unidos sa soberenya ng Pilipinas.
Partikular aniya rito ang pag-ban sa pagpasok sa Amerika ng opisyal ng Pilipinas na sinasabing mag kaugnayan sa pagpapakulong kay Senadora Leila De Lima.