Magbibitiw kaagad sa puwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte kapag tumakbong House Speaker ang anak na si incoming Davao City Congressman Paolo Duterte.
Sa kaniyang talumpati sa oath taking ng government officials sa Malakanyang, nanawagan ang pangulo sa kaniyang anak na abisuhan siya tatlong araw bago i-anunsyo ang pagtakbong House Speaker para makapag resign siya bilang pangulo.
Hindi aniya maaaring maging speaker ang kaniyang anak dahil marami na sila sa gobyerno kung saan mayor ng Davao City si Sara Duterte-Carpio at incoming Vice Mayor naman sa lungsod si Sebastian “Baste” Duterte.
Sinabi ng pangulo na mayruon namang sariling desisyon ang kaniyang mga anak tulad ni Paolo subalit nakikiusap siya rito na abisuhan siya ng maaga kung talagang tatargetin nito ang pagiging pinuno ng Kamara.
Pangulong Duterte neutral sa isyu ng House Speakership
Mananatiling neutral ang Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng House Speakership.
Sa gitna na rin ito nang paglutang ng pangalanan nina Presidential son at Davao City Congressman-elect Paolo Duterte, Davao Congressman Pantaleon Alvarez, Marinduque Congresssman Lord Allan Velasco, Leyte Congressman-elect Martin Romualdez at incoming Taguig Congressman Alan Peter Cayetano bilang kandidato sa pagiging House Speaker.
Ayon sa pangulo, bago pa man mag eleksyon, kinausap na siya nina Velasco at Cayetano samantalang pagkatapos naman ng eleksyon nang kausapin sina nina Alvarez at Romualdez.
Subalit nilinaw ng pangulo na wala isa man sa mga ito ang kakampihan niya.
Wala naman aniyang masama sa pagkatao ng mga nais maging House Speaker subalit wala siyang i-eendorsong pinuno ng Kamara.