Magsasagawa ng sariling imbestigasyon si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa posibleng maagang pagpapalaya kay dating Calauan mayor Antonio Sanchez at paglaya na ng ilan pang mga presong nahatulan sa mga karumal-dumal na krimen.
Ito ang inihayag ni Senador Bong Go matapos ang isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Vommittee sa usapin.
Ayon kay Go, nagka-usap sila ng pangulo kamakalawa ng gabi at tiniyak nitong may mananagot oras na mapatunayang nahaluan ng kurapsyon ang pagpapatupad ng good conduct time allowance.
Pag-amin pa ni Go, nadismaya siya kay Faeldon sa nangyari gayundin aniya sa sistemang umiiral sa BuCor o Bureau of Corrections.
Dagdag ng senador, may pananagutan hindi lamang si Faeldon kundi lahat ng mga lumagda para payagang makalaya ang mga bilanggong nahatulan dahil sa heinous crimes.
Samantala, tumanggi naman si Go na sumagot sa tanong kung nananatili pa rin ang tiwala ng pangulo kay Faeldon.