Mapapaaga ang uwi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas mula sa Japan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, lilipad na pabalik ng Pilipinas si Pangulong Duterte mamayang gabi dahil aniya sa ‘unbearable pain’ na iniinda ng pangulo sa kanyang spinal column malapit sa pelvic bone.
Nakatakda ring magpakonsulta sa isang neurologist si Pangulong Duterte bukas, Oktubre 22, 2019.
Samantala, bago ang naturang pahayag ni Panelo ay unang nakita sa ibinahaging larawan ni Senador Bong Go na may hawak na tungkod ang pangulo habang naghahanda para sa pagdalo nito sa enthronement ni Japan Emperor Naruhito.
TINGNAN: Pangulong Duterte, dadalo sa enthronement ni Japan Emperor Naruhito nang naka-tungkod | via @joelynharp pic.twitter.com/ZPA8RHARc8
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) October 22, 2019
Kasama ng pangulo ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte at Senador Bong Go.
Samantala, si Sara Duterte naman ang magrerepresenta sa pangulo at dadalo sa Emperor’s Banquet ngayong araw at sa Prime Minister’s Banquet bukas.
Magugunitang noong nakaraang Huwebes, Oktubre 17, 2019 ay naaksidente sa kanyang motorsiklo ang Pangulong Duterte at nagtamo ng galos sa ilang bahagi ng katawan.