Malaya si Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang umiiral na Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Amerika at Pilipinas kahit walang basbas ng Senado.
Iyan ang binigyang diin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa harap ng banta ng Pangulo matapos bawiin ng Amerika ang US visa ng ilang opisyal ng pamahalaang nasa likod ng pagkakakulong ni Sen. Leila De Lima.
Ayon kay Lorenzana, may karapatan naman aniya ang administrasyon na kanselahin ang nasabing kasunduan lalo’t kung ang pambansang interes na ang nalalagay sa alanganin.
Hanggang sa ngayon, sinabi ni Lorenzana na patuloy ang kanilang ugnayan ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na siyang tumatayo namang chairman ng VFA commission.
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na kanila ring ilalahad sa Pangulo ang mga posibleng epekto sa Pilipinas partikular na sa aspetong militar sakaling tuluyan nang mabasura ang nasabing kasunduan.