Inakusahan ni Communist Party of the Philippines o CPP Founder Joma Sison si Pangulong Rodrigo Duterte na “mentally unfit” para pamunuan ang bansa.
Sa inilabas na pahayag ni Sison, pinayuhan nito ang Armed Forces of the Philippines o AFP at ang lahat ng miyembro ng gabinete ng Duterte administration na ikunsidera at pag-aralan kung ‘mentally fit’ ba ang presidente sa kanyang puwesto o kailangan na itong palitan sa ilalim ng isinasaad ng Saligang Batas.
Paliwanag ni Sison, nakitaan ng sintomas ng pagiging ‘mentally unfit’ si Pangulong Duterte sa pagtugon sa mga usapin bansa partikular na sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDFP gaya ng naging payo nito na makipagnegosasyon na lamang ang mga komunista sa susunod na administrasyon.
Dagdag pa ni Sison, sinadyang isabotahe ni Pangulong Duterte ang peace talks dahil nakatakda na sanang isagawa ang ikalimang round nito bukas hanggang sa Lunes sa susunod na linggo sa Oslo, Norway.
Matatandaang pormal nang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ang proklamasyon na nagdedeklara sa terminasyon ng peace talks sa NPA.
—-