Muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Canada, kahit pa naibalik na sa nasabing bansa ang kanilang mga basurang itinambak sa Subic sa loob ng anim (6) na taon.
Sa kanyang naging talumpati sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr sa Davao City, iginiit ni Pangulong Duterte na seryoso siya sa bantang pagdi-deklara ng giyera sa Canada kung hindi mahahakot ang kanilang mga basura.
Aniya, kung hindi nakakuha ng pribadong barko na magdadala ng mga nasabing basura pabalik ng Canada, kanyang aatasan ang Philippine Navy na itapon ang mga ito sa katubigan ng nasabing bansa.
Kasabay nito, nagpahayag ng galit sa Canada ang pangulo sa pagtuturing sa Pilipinas bilang basurahan.
Matatandaang, bumiyahe na noong nakaraang linggo ang barkong may dala ng 69 na container ng basura ng Canada pabalik sa nasabing bansa.
It’s a matter of request, kung gawain mo lang akong basurahan dito, akala nila nagbibiro ako. Sabi ko sa kanila, isauli ko ‘yan, hindi tayo nagkaintindihan, I will declare war. Whether I like it or not you accept your garbage because I’m going to send it to you. And I’ll just discharged it in your water. Arestuhin ninyo ‘yung sundalo ko, giyera tayo,” banat ni Pangulong Duterte.