Muling nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinusulong niyang independent foreign policy.
Sa harap ng Filipino community sa Japan, binigyang diin ng Pangulo na wala siyang ibang layunin kundi ang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas.
Giit ng Pangulong Duterte, hindi siya isang ‘wartime president’ at ito ang dahilan kaya nakikipagkaibigan siya sa mga Komunista at ayaw na niyang makipag-alyansa sa mga Amerikano.
EDCA
Nagpahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ibabasura ang nilagdaang Enhance Defense Cooperation Agreement o EDCA ng nakalipas na administrasyong Aquino.
Ito’y kung hindi aniya titigil ang Amerika sa pakikialam nito sa mga usaping panloob ng Pilipinas kung saan, lagi aniyang dehado ang mga sundalong Pilipino.
Tinawag ding malisyoso ni Pangulong Duterte ang naging pahayag ni US Asst/Sec. of State Daniel Russel hinggil sa pagdikit ng Pilipinas sa China.
Bago tumulak sa bansang Japan, sinabi ng Pangulo na sa aspeto lamang ng ekonomiya at negosyo ang naging sentro ng kanilang usapan ni Chinese President Xi Jinping at wala nang iba.
US and EU
Muling hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Estados Unidos at European Union na magsampa ng kaso kapag nakakuha ito ng ebidensya laban sa kanya.
Ito’y kaugnay pa rin ng kritisismo ng EU at US dahil sa umano’y extrajudicial killings sa bansa.
Sa kanyang tagumpati sa harap ng Filipino community sa Japan, iginiit ng Pangulo na hindi siya natatakot na tanggalan ng foreign aid at assistance ang Pilipinas dahil lamang sa kanyang mga patutsada.
Giit ng Pangulong Duterte, hindi siya tuta ng mga kano at EU na aasa na lang sa pagkain na ibinibigay ng mga ito.
‘Anti-kotong’
Samantala, hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pinoy na huwag pumayag na kotongan sila ng mga pulis at Immigration officials sa airport.
Sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino community sa Japan, binigyang diin ng Pangulo na magreklamo kapag may nakita silang iregularidad sa paliparan.
Giit ng Pangulong Duterte, hindi puwedeng manahimik na lamang ang mga Pinoy kapag nakaranas ng ‘tanim-bala modus’ o kaya’y pangingikil mula sa mga tiwaling airport personnel.
Maliban dito, hinimok din ng Presidente ang mga OFWs na huwag mag-atubiling mag-text o kaya’y tumawag sa “citizen hotline na 8888.”
By Jelbert Perdez | Jaymark Dagala
Photo Credit: Aileen Taliping (Patrol 23)