Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Manila Water at Maynilad water services na kakasuhan nya ang mga kumpanya ng economic sabotage.
Nairita ang pangulo sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nakabase sa Singapore kung saan pinagbabayad ng multang mahigit sa P3B ang pamahalaan sa Maynilad at mahigit P7B naman sa Manila Water dahil malaki ang nalugi sa kanila nang hindi payagan ng pamahalaan ang hinihingi nilang dagdag singil sa tubig.
Ayon sa Pangulo, masyadong tagilid ang kontrata ng pamahalaan sa 2 water concessionaires dahil mistula nilang ginagawang gatasan ang pamahalaan na dapat magbayad kapag nalugi sila sa kanilang operasyon.
Inatasan na ng Pangulo ang Dept. of Finance at ang Solicitor General na bumuo ng bagong concesssion agreement na papabor naman sa pamahalaan.