Inaasahang gagasta ng nasa P18-M ang Department of Health (DOH) sa pakikibahagi ng bansa sa clinical trial ng anti-flu drug na Avigan bilang gamot sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay ito sa isinumiteng ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kongreso kaugnay sa pagtugon ng pamahalaan laban sa coronavirus disease pandemic.
Ayon kay Pangulong Duterte, mayroon nang natukoy na tatlong sites para sa clinical trial kung saan target na maisalang ang 80 hanggang 100 mga pasyente ng COVID-19.
Hindi naman idinetalye ng Pangulo ang impormasyon sa mga nabanggit na sites.
Dagdag ng Pangulo, nasa 24 na ospital na rin sa Pilipinas ang lumahok sa solidarity trial ng World Health Organization (WHO) na may layuning madetermina ang kaligtasan at pagiging epektibo ng mga posibleng lunas laban sa COVID-19.
Habang nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DOST sa mga research groups at organisasyon sa ibang bansa para sa posibilidad ng pakikibahagi sa clinical trials ng ilang bakuna.