Nagpaabot ng tulong pinansyal si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng mga biktima ng nahulog na bus sa bangin sa Carranglan, Nueva Ecija.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, nasa P20,000.00 ang ayudang ibinigay ng Pangulong Duterte sa pamilya ng mga nasawi habang tig P10,000.00 naman para sa mga sugatang pasahero.
Matatandaang mahigit tatlumpu (30) ang patay habang mahigit apatnapu (40) ang naitalang sugatan nang mahulog ang Leomarick Bus sa may mahigit 100 talampakang bangin.
LTFRB sinisi sa nangyaring aksidente sa Leomarick Bus
Isinisi ng isang local transport group sa Isabela sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang nangyaring aksidente sa Leomarick Bus na ikinasawi ng 33 katao.
Ayon kay Northern Luzon Transport Cooperative Chairman Daniel Gaffud, dahil sa hindi pagbibigay ng special permit ng LTFRB ay napilitan ang mga pasahero na sumiksik sa mga nagbabyaheng bus.
Aniya, hindi kayang tugunan ng mga bus ang pagdagsa ng mga pasahero lalo nitong Semana Santa.
Higit 50 pasahero lang ang dapat kapasidad ng naaksidenteng bus ngunit umabot sa 77 ang sakay nito nang mahulog sa 100 talampakang bangin sa Nueva Ecija.
By Rianne Briones