Nakatakdang magbigay ng mensahe sa bayan si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong umaga ng Biyernes hinggil sa estado ng naging pagtugon ng gobyerno sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Una rito, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa halip na kagabi haharap ang pangulo sa publiko ay inilipat na lamang ito mamayang alas-8 ng umaga, ika-5 ng Hunyo.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Pangulong Duterte sa Department of Health (DOH) na mayroon na lamang hanggang ika-9 ng Hunyo ang ahensya upang maibigay ang cash benefits ng mga health workers na tinamaan ng COVID-19.
Ito, ayon kay Roque, ay bilang tugon sa naging rebelasyon sa isang pagdinig sa Senado na wala pa ni isang healthcare worker sa ngayon ang nakatanggap na ng kompensasyon, kagaya ng ipinapangako ng Bayanihan to Heal As One Act.
Samantala, nakatakda rin namang talakayin ng pangulo ang ilang usapin hinggil sa Anti-Terrorism Bill na lagda na lamang ng Pangulong Duterte ang kailangan upang ganap na itong maisabatas.