Nakatakdang maglabas ng bagong pahayag ang Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw, ika-16 ng Marso, hinggil sa patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito, ayon kay Senador Bong Go, ay dahil makikipagpulong muli ang pangulo sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emergency Infectious Disease at mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) hinggil sa naturang sitwasyon.
Noong nakaraang linggo lamang ay nakipagpulong na ang Pangulong Duterte sa IATF at Metro Manila mayors matapos nitong ideklara ang state of public health emergency dahil sa banta ng COVID-19.
Inaprubahan din ng pangulo ang kasalukuyan nang umiiral na community quarantine sa Metro Manila para mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
Sa ngayon ay mayroon nang 12 bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 habang nasa 140 na ang kaso nito sa bansa.