Pormal nang nanumpa si Rodrigo Duterte bilang ika-16 na Pangulo ng Pilipinas.
Suot ang kanyang Barong Tagalog, dumating si President Duterte sa Palasyo ng Malacañang ganap na 10:25 kaninang umaga at malugod na sinalubong at kinamayan ni outgoing President Benigno Aquino III.
Nanumpa ang bagong Presidente kay Supreme Court Associate Justice Bienvenido Reyes sa loob ng Rizal Hall sa Malacañang.
Kasama ni Duterte sa panunumpa ang mga anak na sina Sara Duterte-Carpio, Paolo, Sebastian, at Veronica.
Sa kanyang naging mensahe, sinabi ni Duterte na handa na siyang magsimulang magtrabaho at hinikayat ang lahat na samahan siya sa hindi madali at masalimuot na paglalakbay tungo sa maunlad na Pilipinas.
Inatasan ni President Rodrigo Duterte ang lahat ng kanyang cabinet secretaries at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na bawasan ang mga requirement at oras sa pagproseso sa lahat ng uri ang aplikasyon o transaksyon.
Ayon sa Pangulong Duterte , nais niyang maging mabilis ang proseso mula sa pagsusumite hanggang sa pagre-release ng mga transaksyon sa gobyerno.
Kasabay nito, binalaan din ng Pangulo ang mga ahensya ng gobyerno na huwag baguhin o baliin ang contract rules ng mga transaksyong may kinalaman ang gobyerno.
Sa usaping panlabas naman, nanindigan si President Duterte na kikilalanin ng Pilipinas ang mga kasunduan at gagampanan ang mga obligasyon nito sa ibang bansa.
Hinimok din ni Duterte ang iba pang sektor na makilahok sa kanilang isinusulong na kapayapaan partikular na ang mga kababayan nating katutubo.
Binigyang diin ni Duterte na magpapatuloy ang mahigpit na kampanya kontra korupsyon at iligal na droga.
Samantala, binigyan si Duterte ng full military honors at isinagawa ang reception line para sa mga miyembro ng diplomatic corps.
Napuno ng higit sa 600 bisita ang Rizal Hall na nakasuot ng kanilang mga Filipiniana at barong.
Naging simple din ang mga inihandang pagkain sa inagurasyon kagaya ng monggo soup, tinapa, durian tartlet, banana fritters, pandesal, kesong puti, longganisa, lumpiang ubod, mango at dalandan juice.
Photo Credit: RTVM