Nilagdaan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na nagsasama sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) classes sa K to 12 program.
Ipinabatid ito ni Senate Majority Floorleader Juan Miguel Zubiri, pangunahing may akda ng nasabing panukala.
Pinapurihan ni Zubiri ang aniya’y napapanahong pag apruba sa panukala at tiwala siyang makakabuo ang Department of Education (DepEd) ng implementing rules and regulations (IRR) para makaabot sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto.
Sinabi ni Zubiri na ngayong ikinakasa ang distance learning higit na magiging mahalaga para sa mga estudyante na mabigyan ng makatuwirang paggabay sa pamamagitan ng GMRC at values education.