Malaki ang kaibahan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga pulitiko na posibleng tumakbo sa Pampanguluhang Halalan sa 2016.
Ayon kay dating North Cotabato Governor Manny Piñol, hindi katulad ng ibang presidentiable, si Duterte ay mayroong malinaw na paninindigan sa mga kritikal na isyu.
Inihalimbawa ni Piñol ang paninindigan ni Duterte na hindi ang BBL o Bangsamoro Basic Law ang tugon sa kaguluhan sa Mindanao kundi federalism.
Sa usapin ng paghahari-harian ng China sa West Philippine Sea, pabor aniya si Duterte sa ginawa ng Pangulong Noynoy Aquino na iakyat ito sa United Nations subalit kung hindi ito kikilalanin ng China payag si Duterte na humingi ng saklolo sa Estados Unidos at bigyan sila ng base militar sa bansa.
At sa usapin ng kriminalidad, planong ibalik ni Duterte ang death penalty sakaling maging Pangulo ito ng bansa.
“Isa pang bagay na talagang gustong-gusto ko kay Duterte ay ang perspective niya sa agriculture, na Bakit natin pinagbabayad ng irrigation ang ating mga farmer, Bakit natin sila pinapahirapan?, and sabi niya you know we really have to change the agriculture. Itong mga kaisipang ito are indications na he’s looking at these problems as a leader at yung kanyang personal preference na sinasabi ko nga kanina, we’ll have to take the back seat in favor of the welfare of our country. Ani Piñol.
Aminado si Piñol na isa si Senador Grace Poe sa mga nais maging katambal ni Duterte sakaling tumakbo itong Presidente.
Gayunman, isa rin aniya sa posibilidad sa 2016 ay ang tambalang Duterte at Batangas Governor Vilma Santos.
“Kung ayaw ni Grace Poe, si Vilma Santos, actually nung pinag-usapan namin ni Rudy, aba’y umilaw yung mata, oo nga no, maganda ang track record ni Ate Vi, and she has the star power.” Pahayag ni Piñol.
Pagiging atubili sa pagtakbo
Inisa-isa ni dating North Cotabato Governor Manny Piñol ang mga dahilan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kung bakit atubili itong tumakbo sa presidential elections.
Ayon kay Piñol, unang-unang problema ni Duterte ang kawalan ng kakayahang pondohan ang isang national campaign dahil hindi ito marunong manghingi ng campaign fund kahit pa sa kanyang mga kaibigan.
Naniniwala rin aniya si Duterte na masyado na siyang matanda para tumakbo pang Presidente.
Gayunman, naniniwala si Piñol na magbabago rin ang isip ni Duterte at pakikinggan ang panawagan sa kanya ng taongbayan.
“Ofcourse, Duterte’s saying na he’s not going to run pero sa likod ng kanyang pagtanggi na personal, nandiyan ang katotohanang leader si Rudy Duterte, at pagdating ng panahon ang isang lider na hinihimok at tinatawagan ng taong bayan na mamuno sa harap ng mga problemang kinakaharap natin ay hindi puwedeng tumanggi yan.” Paliwanag ni Piñol.
At kahit hindi pa ito desididong tumakbo sa ngayon, iniisip na rin ni Duterte ang kanyang mga puwedeng gawin sakaling dumating ang panahong magpasya siyang sumabak sa pampanguluhang halalan.
“You look at Davao City, meron bang syudad sa Pilipinas ang puwedeng magmayabang na isa ito sa mga kinikilalang cities in the world, meron bang nakapag-enforce ng talagang mandatory at effective na anti-smoking ordinance, meron bang kapag ang speed limit ay 30, pati ang anak ng Mayor ay hinuhuli ng pulis?, these are indicators of a good leader.
Halimbawa rin aniya, ang pabiro nilang laro ni Duterte na magbigay ito ng mga pangalang ilalagay niya sa kanyang gabinete, nabanggit ng alkalde si Gibo Teodoro na gusto niyang maging Defense Secretary, Atty. Vitalliano Aguirre sa Justice Department, Carlos Dominguez bilang Finance Secretary at Congresswoman Leni Robredo sa DSWD.
By Len Aguirre | Ratsada Balita