Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang siyam na nasawing magtutubo sa Sagay City, Negros Occidental ngayong araw.
Ayon sa Palasyo, nais ng Pangulo na personal na alamin ang tunay na nangyari sa nasabing mga magsasaka na pinagbabaril sa naturang lalawigan.
Samantala, pinakilos na rin ng Malacañang ang Philippine National Police (PNP) para magsagawa ng mabilisang imbestigasyon kaugnay sa krimen.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ikinalulungkot ng Palasyo ang sinapit ng mga biktima at umaasang makakamit nila agad ang hustisya.
Magugunitang pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek ang mga biktima na pawang mga miyembro ng National Federation of Sugar Workers noong Sabado ng gabi matapos ukupahin ang pribadong lupa sa Hacienda Nene sa barangay Bulanon.
Person of interest
Samantala, mayroon nang person of interest ang PNP kaugnay sa pagpatay sa siyam na magtutubo sa Sagay City, Negros Occidental.
Ayon kay Sagay Police Director Chief Inspector Roberto Mansueto, isang magsasaka rin ang kanilang itinuturing na sa person of interest sa nasabing pamamaslang kung saan posibleng away sa lupain ang dahilan.
Kaugnay nito, tatlong anggulo naman ang pinag-aaralan ngayon ng PNP kaugnay sa nasabing insidente.
Ayon kay PNP Region 6 Director John Bulalacao, ito ay ang posibleng pag-hire ng killers ng may-ari ng lupain na inukopa ng mga biktima, posible rin aniya na kapwa claimants din ng mga biktima ang nasa likod ng krimen at hindi rin isinasantabi na pag-atake ito ng New People’s Army (NPA).
Samantala, nagpadala naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng tauhan sa isang tubuhan sa Sagay City upang makatulong umano sa imbestigasyon na isinasagawa ng PNP sa nasabing krimen.
Kasabay nito, ipinaabot ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ang pakikiramay sa pamilya ng mga pinaslang na magsasaka ng tubo.
Survivors
Pinabulaanan naman ng tatlong nakaligtas sa pamamaril sa Sagay City, Negros Occidental na sila ay mga miyembro ng New People’s Army.
Ayon kay kina Bobstil Sumikad, Rogelio Arguillo at Rene Manglangin, mga survivor sa naturang krimen ang kanilang organisasyong kinabibilangan ay Negros Federation of Sugar Workers at hindi rin umano sila nagdadala ng mga armas.
Anila, nakaligtas sila sa pamamaril dahil umalis sila sa kanilang kampo upang mag-charge ng kanilang cellphone, ngunit nakarinig umano sila noon ng mga putok ng baril na halos tumagal ng tatlumpung minuto.
Pagbalik nila sa kampo ay dito na tumambad sa siyam nilang kasamahan na wala nang buhay.
—-