Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdiriwang ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani sa lungsod ng Taguig ngayong araw.
Eksakto alas-8:00 ngayong umaga nang dumating ang Pangulo sa Tomb of the Unknown Heroes sa Libingan ng mga Bayani kung saan binigyan siya ng arrival honors ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Sinamahan ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ang Pangulo sa trooping the line o inspection of troops at saka naman ito sinamahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak.
Kabilang sa mga dumalo sa flag raising ceremony sina Executive Secretary Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon at iba pang miyembro ng gabinete ng administrasyong Duterte.
Message
Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na tularan ang kagitingan ng mga bayani ng Pilipinas na lumaban para sa kalayaan ng bansa.
Sa kanyang naging mensahe sa paggunita ng National Heroes’ Day ngayong araw, binigyang pugay ni Pangulong Duterte ang iba pang mga bayani na nagbuwis din ng buhay para sa Pilipinas.
Gayundin ang mga sundalo at pulis na lumaban sa mga terorista para maibalik muli ang kalayaan ng Marawi City.
Binigyang parangal din ni Pangulong Duterte ang mga pulis na tapat sa kanilang tungkulin na labanan ang kriminalidad, mga guro, mga OFW o Overseas Filipino Workers na itinuturing na mga bagong bayani ng bansa at maging mga ordinaryong Filipino na nagsasakripisyo para sa ikabubuti ng kanilang pamilya at komunidad.
Binigyang pagkilala rin ni Pangulong Duterte si Lapu-Lapu na aniya’y kauna-unahang bayaning Pilipino na nakapatay ng isang dayuhang mananakop.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na kanyang ikinalulungkot na tila nakalimutan na mga Pilipino ang naiambag ni Lapu-Lapu sa bansa at ipinangalan na lamang ito sa isang isda.
BASAHIN:
Mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa National Heroes’ Day pic.twitter.com/3obLXr4RdQ— DWIZ Newscenter (@dwiz882) August 27, 2018
Pangulong Duterte, nagbibigay na ng talumpati para sa selebrasyon ng National Heroes’ Day pic.twitter.com/zlR7yT09nA
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) August 27, 2018
(May Ulat ni Jaymark Dagala)