Pinapurihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ipinagkaloob na tulong ng ilang mga pribadong kumpanya at indibiduwal sa gitna ng kinahaharap na krisis ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang ipinabatid ng pangulo sa pamamagitan ng isinagawang pulong balitaan ng Inter-Agency Task Force For The Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kagabi.
Ayon kay IATF Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, sinabi ng Pangulo na ipinakikta ng mga nabanggit na indibiduwal at organisasyon ang tunay na kahulugan ng bayanihan para masugpo ang nararanasang problema ng bansa.
Kaugnay nito, nananawagan aniya si pangulong duterte na sundan ang naging hakbang ng mga nabanggit na indibiduwal at organisasyon at gampan ang bahagi ng bawa’t isa sa lipunan.
Sinabi ni Nograles, magagawa ito sa pamamagitan ng pananatili lamang sa mga tahanan at pagsunod sa mga awtoridad.