Posibleng bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naapektuhang lugar sa Mindanao ng magnitude 6.3 na lindol.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, hindi malayong bumisita ang Pangulo sa Mindanao para tingnan ang kalagayan ng mga residente duon.
Hindi na rin naman aniya ito bago dahil nakaugalian na ng Pangulo na magtungo kung saan man tumama ang malakas na kalamidad.
Kasabay nito sinabi ni Panelo na hindi na rin kailangan pang utusan ang mga ahensya ng gobyerno na kumilos para sa mga biktima ng lindol dahil alam na umano ng mga ito ang kanilang trabaho.
Batay sa pinakahuling ulat, umabot na sa 5 ang nasawi sa lindol habang di naman bababa sa 15 ang sugatan.