Posibleng magdeklara ng martial law ang Pangulong Rodrigo Duterte sakaling makaabot ng Metro Manila ang terorismo.
Ito, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ay dahil labis na nabahala ang Pangulong Duterte sa nangyaring suicide bombing sa Indanan, Sulu na ikinasawi ng walo (8) katao.
Gayunman, hindi tinukoy ni Panelo kung sa buong bansa ipatutupad ang batas militar na sa ngayon ay umiiral sa Mindanao region matapos ang pag-atake ng ISIS-inspired Maute group sa Marawi City noong 2017.
Sinabi ni Panelo na nagbanta na noon ang pangulo na huwag siyang sasagarin dahil kapag napuno siya ay gagamitin niya ang lahat ng kaniyang kapangyarihang ipinagkaloob sa kaniya ng konstitusyon.
Isa rin aniya sa mga option ng pangulo ang pagdeklara ng revolutionary government o paggamit ng emergency powers para labanan ang anumang tangkang pagpapabagsak sa bansa.
Binigyang diin pa ni Panelo na obligado ang AFP na protektahan ang taumbayan kapag mayroong banta sa seguridad ng bansa.