Malinaw na lumabag sa due process si Pangulong Rodrigo Duterte nang pangalanan nito ang 5 heneral ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Atty. Harry Roque, isang human rights lawyer at incoming Kabayan Partylist Representative, umaktong prosecutor, judge at executioner si Duterte sa kanyang ginawang panghihiya sa mga ito.
Aniya, dapat ay dumaan muna ito sa proseso tulad ng pagsasampa ng kaso sa National Police Commission o NAPOLCOM.
Binigyang diin ni Roque, nanatiling inosente ang sinuman hangga’t hindi napapatunayang guilty.
Malacañang
Nanindigan naman ang Malacañang na walang anumang batas na nilabag si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang pangalanan ng Pangulo sa harap ng publiko ang mga heneral na aniya’y protektor ng mga sindikato ng iligal na droga.
Ayon kay Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, may mga hawak nang ebidensya ang Pangulong Duterte kahit hindi pa siya opisyal na nahahalal at nauupo bilang punong ehekutibo.
Pinabulaanan din ni Panelo na inilugmok nito sa trial by publicity ang mga naturang heneral dahil sa agad nagpalabas ng pahayag ang mga ito matapos ang naging pagbubunyag ng Pangulo.
By Rianne Briones | Jaymark Dagala