Nakatakdang pulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ilang miyembro ng gabinete ,at security officials, ngayong araw, Nobyembre 18.
Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., tatalakayin sa pulong ang pagpapaigting sa mga ipinatutupad na hakbang ng pamahalaan para labanan ang rebelyon sa bansa.
Gayundin ang pagbibigay ng mga patnubay ni Pangulong Duterte sa lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para matugunan ang mga problema sa usapin ng ekonomiya at seguridad sa mga lugar sa bansa na bantad at apektado ng mga kaguluhan.
Kabilang aniya sa mga dadalo sa Joint Command Conference ang mga miyembro ng Cabinet Officers Responsible for Development and Security, pinuno ng Regional Peace and Order Council, Regional Develoment Council, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Magugunitang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 70 para magbuo ng iisang organisasyon sa pamahalaan na tututok sa problema sa mga komunistang terorista sa buong bansa.