Malabong magkatrabaho pa ng magkasama sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.
Ito ang inihayag ng Malakanyang kasunod na rin ng pinakahuling banat ni Pangulong Duterte laban kay Robredo dahil sa pangunguna sa pagtulong sa mga nasalanta ng nagdaang kalamidad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dalawang beses nang binigyan ng pagkakataon ni Pangulong Duterte si Robredo para maging miyembro ng kaniyang gabinete.
Gayunman, umaalis aniya sa puwesto si Robredo at patuloy na nakikinig sa kanyang mga adviser kung saan tuluyan na itong nagpasiya na maging oposisyon o obstructionist.
Sa kabila nito, naniniwala si Roque na magkakaroon ng mas magandang interpersonal relations sa pagitan ng dalawa dahil nailabas na ng Pangulo ang kanyang kinikimkim na saloobin.
Magugunitang, panandaliang umupo bilang housing secretary at co-chair ng anti drug body si Robredo pero inalis din ito sa puwesto ni Pangulong Duterte.