Nauunawan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatitigil ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Kasunod ito ng pagkakansela sa US visa ni Senador Ronald Dela Rosa.
Ayon kay Lorenzana, itinuturing na pamemersonal ni Pangulong Duterte ang pagkansela ng Amerika sa US visa ng ilang mga personalidad na sinasabing nasa likod ng pagpapakulong kay Senador Leila De Lima.
Aniya, malinaw na direktang panama kay Pangulong Duterte ang hakbang ng Amerika, bilang ito ang arkitekto ng kampanya kontra illegal na droga na ipinatupad naman ni Dela Rosa nang maupo ito bilang PNP Chief noong 2016.
Dagdag ni Lorenzana, tinutupad lamang ng Pangulo ang kanyang pangako sa mga pulis na sasamahan niya ang mga ito sakaling makulong dahil sa pagtupad ng kanilang tukuling supilin ang illegal na droga, krimen at katiwalian.
Samantala, tumanggi naman si Lorenzana na sagutin kung ano ang posibleng maging implikasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) oras na ma-terminate na ang VFA.
Binigyang diin ni Lorenzana, nasa kamay na ng Amerika ang bola kung ano ang magiging reaksyon sa pahayag ng Pangulo. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)