Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte ng magandang serbisyo mula sa mga telecommunications companies (telcos).
Ito ay sa gitna na rin ng nararanasang pangit na serbisyo sa internet connection kasabay ng nalalapit ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa ika-5 ng Oktubre.
Sa kanyang lingguhang ulat sa bayan, sinabi ni Pangulong Duterte na sa mga electronic gadgets lamang kasalukuyang umaasa ang halos lahat ng mga estudyante.
Sobrang tagal na aniyang inirereklamo ang napakapangit na serbisyo ng mga telcos, magmula pa noong sinimulan itong ipakilala sa bansa pero hindi pa rin ito nasosolusyunan.
“I appeal to telcos, can you do a better job? Is there life after this kind of service you are delivering to the public?”” ani Duterte.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte na hindi naibibigay ng maayos ng mga telcos ang nararapat na serbisyo para sa ibinabayad na halaga ng mga tao.
Kasabay nito, umapela muli si Pangulong Duterte sa mga local government units na gawing mabilis at madali para sa mga telcos ang pagtatayo ng mga tower upang mapabuti ang kanilang serbisyo.