Wala pang pasiya si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala ni Finance Secretary Carlos Dominguez hinggil sa pagbabalik operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi rin aniya ito napag-usapan sa pulong ng Pangulo kasama ang mga miyembro ng Inter Agency Task Force for the management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Gayunman, sinabi ni Roque na isa ang nabanggit na usapin sa mga kinakailangan ding pagpasiyahan ng Pangulo lalo na’t isa ang POGO sa pinagkukuhanan ng pondo ng pamahalaab.
Kabilang aniya sa isasaalang-alang ng Pangulo sa pagpapasiya ay ang pagtukoy sa mga industriyang mababa lamang ang tsansa ng pagkakaroon ng hawaan ng COVID-19 at may malaking epekto sa ekonomiya ng bansa.
Una nang inihayag ni Finance Secretary Dominguez na kanilang ikinukunsidera ang muling pagbabalik operasyon ng mga POGO sa bansa para makatulong sa kinakailangang pondo ng pamahalaan sa paglaban kontra COVID-19.